Rebyu ng mga Pelikula

Ang mga artikulo sa seksyon na ito ay mga rebyu ng tatlong pelikula – Rizal: Buhay ng Isang Bayani, Rizal sa Dapitan at Bayaning Third World – mga pelikulang sinasabing malaki ang naging ambag sa paghuhulma ng katauhan ni Jose Rizal sa kulturang popular.

Rizal: Buhay ng Isang Bayani

Rizal sa Dapitan

Bayaning Third World

Ang mga rebyung ito ay sulyap sa mga kaisipan ng mga miyembro ng grupo sa kanilang pagkikritiko sa mga nabanggit na pelikula.

———————————————————————

REBYU
ni Charisse Anne de Leon

Sino nga ba si Rizal at bakit natin siya kailangan pag-aralan? Simula noong ako’y bata pa, mataas na ang tingin ko kay Rizal. Siya ang bayaning henyo, popular sa mga babae, mabait na anak, kumbaga isang perpektong tao. Akala ko ay wala akong makikitang mali sa kanya. Ngunit sa panonood ko ng tatlong pelikula, nag-iba ang apagtingin kay Rizal.

Ang Rizal: Buhay ng Isang Bayani ay isang dokumentaryong patungkol sa buhay ni Rizal mula pagkabata hanggang sa siya’y mamatay. Dito ipinakita na pinili nya ang bayan kaysa sa kanyang sarili.

Ang Rizal sa Dapitan ay nagpapakita kung ano ang mga nangyari kay Rizal noong siya ay pinatapon sa Dapitan. Dito ay makikita kung paano siya namuhay at kung ano ang naging impluwensiya nya sa mga tao doon, lalo na sa mga batang kanyang tinuruan. Isang malaking tema dito ay ang buhay niya kasama si Josephine Bracken.

Ang Bayaning Third World naman ay isang kakaibang pelikulang na kung saan ang buhay ni Rizal ay sinuring maigi at hinahanapan ng flaws. Ang pangunahing tema dito ay ang kanyang retraksyon.

Sa panonood ko nitong tatlong pelikula, ang pinakatumatak sa akin ay ang huling pelikula. Ang unang dalawang pelikula ay patungkol sa kung bakit maituturing na bayani si Rizal. Itong dalawa ay iyong usual na pelikula tungkol kay Rizal na kung saan si Rizal ay inilalagay sa pedestal. Bagama’t naipakita rin ang kanyang flaws, ang mga ito ay hindi nabigyan ng focus. Ang pangatlo naman ay salungat nitong dalawa.

Iba ang naging tingin ko kay Rizal matapos kong mapanood ang Bayaning Third World. Hindi ito katulad ng ibang pelikula na inilalagay si Rizal sa pedestal at sinasantabi lamang ang kanyang mga flaws. Kundi, ang flaws ni Rizal ang pangunahing focus dito. Dahil sa kontrobersiya ng retraksyon, ako ay sadyang napaisip kung si Rizal nga ba ay dapat ituring na pambansang bayani o hindi.  Binawi nya nga ba ang kanyang mga sinabi at naisulat upang makapagpakasal kay Bracken? Namatay nga ba si Rizal na isang Katoliko o hindi?

Ngunit, sa gitna ng mga kontrobersyang ito, hindi natin maikakaila na si Rizal ay nagkaroon ng napakalaking impluwensya sa mga taong nakapaligid sa kanya, pati na rin sa rebolusyon at siyempre sa kalayaan ng ating bayan. Oo, maaaring totoo ang kontrobersiya ng retraksyon ngunit kung ikukumpara naman ito sa kanyang naging impluwensiya sa utak ng mga mamamayang Filipino noong panahong iyon, ito ay napakaliit na bagay lamang.

Sabi nga sa Bayaning Third World, tayo ay may kanya-kanyang Rizal. Depende na sa mga mambabasa ni Rizal kung siya ay paniniwalaan ng tao at ituturing na pambansang bayani o ituturing siya na isang duwag na pinili lamang ang pag-ibig kay Bracken imbes na ang kanyang mga prinsipyo at ang kanyang bayan.

———————————————————————

REBYU
ni Iris Grace Endozo

Rizal: Buhay ng Isang Bayani

Kapansin-pansin na tila ba maituturing na teksto o libro ang pagkakatanghal kay Rizal sa pelikula. Sa maikling salita, ang pelikulang Rizal: Buhay ng Isang Bayani ay isang dokumentaryo ng talambuhay niya ayon sa mga tekstong nananatili ngayon. Kasama sa mga kasulatang binigyang diin sa pelikula ay ang mga sulat (sa mga pamilya at kaibigan), mga sanaysay at talaarawan ni Rizal―kung tutuusin ay marami sa mga eksena o kabanata sa pelikula ay ayon sa mga naiwang sulat o mga kwadernong ito.

Sa pagkaka-presenta sa pelikula, nakahiwa-hiwalay ang bawat kapitulo ng kanyang buhay: mula sa kanyang pagkabata, sa kanyang mga paglalakbay, pagkakatapon, pagkakaroon ng pag-ibig hanggang sa kanyang pamamaalam at pagkamatay. Nakasentro ang pelikula sa pagpapakita kung bakit dapat ituring na bayani si Rizal. Ipinakita ang kanyang mga paghihirap, mga pinagmulan ng kanyang paninindigan at paniniwala, at mga aksyong ginawa niya upang maihatid sa mamamayang Pilipino ang sa kanyang paniniwala ay buktot at mapaniil na pamamalakad ng estadong Espanya sa kanyang kolonya. Itinaas sa pedestal si Rizal. Walang duda na ang dokumentaryong ito ay sapat para maging komprehensibong kasangkapan para mapag-aralan ang kronolohikal na pagkaka-ayos sa mga kaganapan sa buhay ni Rizal bilang bayani. Ngunit sa aking palagay, ito ay panimula lamang sa pag-aaral kay Rizal. Hindi dapat dito isinasalalay ang pagtingin at pag-unawa sa tinaguriang pambansang bayani ng Pilipinas.

Rizal sa Dapitan

Kung sa pelikulang Rizal: Buhay ng Isang Bayani ay tinalakay si Rizal bilang isang bayani, sa Rizal sa Dapitan ay tinalakay si Rizal bilang isang tao. Bagamat makikita pa rin dito ang pagiging pantas niya at ang pagsunod sa kanya ng mga taong bayan ng Dapitan bilang isang lider at guro (isang mataas na tao), dinagdagan ng emosyon, kathang linya at eksena ang pelikula upang makulay na maipamalas ang pagdududa, galit at mga sama ng loob ni Rizal sa pagtira niya sa Dapitan.

Ngunit kung ang pagtanghal kay Rizal dito ay nadagdagan, hindi ba maari ring sabihin na kalabisan ang mga naidagdag na ito sa mga eksena? Katulad ng ibang pelikulang talambuhay sa Hollywood na dinadagdagan ng mga eksena upang maging mas kaaya-aya at kagila-gilalas ang buhay ng isang tao (maipakita lang ba na “para saan pa at gumawa ng pelikula ayon sa kanilang buhay?”), maaring masabi na ganito rin ang nangyari sa Rizal sa Dapitan. Oo, ang mga katunayang nangyari ay base pa rin sa mga kasulatan at mga teksto, ngunit ang mga emosyon, linya at pagsasadula sa karakter ni Rizal ay hindi ba’t kathang isip lamang ng gumawa ng pelikula?

Ang Bayaning Third World

Pagkilatis, kritisismo at walang katapusang tanong tungkol sa pagiging pambansang bayani ni Rizal ang inihandog ng pelikulang Ang Bayaning Third World. Satirikal, mapanuya at bago ang pagtatanghal kay Rizal dito. Itinaas ang mga isyu at kontrobersiya sa likod ng pagiging bayani niya na hindi binabanggit sa mga tekstong pinag-aaralan sa mga paaralan. Kinuwestiyon dito ang paninindigan niya, at ang katotohanan sa kontrobersiya ng retraksyon. Kung binawi nga naman ni Rizal ang LAHAT ng kanyang isinulat, sinabi at pinaniwalaan, PAANO siya naging pambansang bayani? Sapat na ba na nailabas na niya ang mga tekstong ito, na naging basehan ang mga ito sa pagsisiklab ng damdaming demokrasya sa mamamayang Pilipino?

Idinaan ang pakikilatis na ito sa pamamagitan ng mga taong nakapaligid kay Rizal. Binigyan ng pelikula ng buhay, opinyon at kwento ang mga taong nakasalamuha niya. Tinuya dito ang nakakadudang hindi pagkakapantay-pantay ng mga istorya ng bawat isa. Naging sentro ng pelikula ang pagdidiskurso sa retraction controversy na maaring makasira sa imahe ni Rizal bilang isang pambansang bayani.

Inilatag sa pelikula ang mga kinubling katotohanan, teksto at patunay ukol kay Rizal na nagbibigay ng mas malalim na perspektibo ang nanonood. Bagamat sa katapusan ay walang tuwirang nasagot sa mga inihaing tanong ang mga pangunahing tauhan, hinayaan ng pelikulang ito na makagawa ng sariling opinyon at konklusyon ang tagapanood ukol sa mga tunay na pangyayari sa likod ng pagkakabayani ni Rizal. Gaya nga ng isang linya dito, “Iba’t ibang Rizal para sa iba’t-ibang tao.”

Sa aking palagay, hindi maaring isang dako lamang ang susuriin sa malalim na pag-aaral kay Rizal. Gaya dito, kinakailangang makita ng isang nag-aaral ukol kay Rizal ang kanyang kabayanihan, pagiging pantas at mataas na tao, at ang mga kontrobersiyang pumapaligid sa kanyang pagkatao upang makagawa ng konklusyon sa kung sino ba talaga ang pambansang bayani ni Pilipinas.

———————————————————————

SI RIZAL SA MATA NG MGA DIREKTOR
ni Elaine Jularbal

Ang pelikula ni Marilou-Diaz Abaya na Jose Rizal: Ang Buhay ng Isang Bayani ay isang maganda ngunit mababaw na pagsasapelikula ng buhay ni Rizal. Maganda dahil ang sinematograpiya ng pelikulang ito ay makabago at nakakakuha ng atensiyon mula sa kanyang manonood. Sa pelikulang ito, simpleng ipinakita kung bakit naging bayani si Jose Rizal ng bayan. Ipinakilala din dito ang kanyang pamilya, ipinaalam ang mga eskwelahan at kolehiyo na kanyang pinasukanm, ipinakita ang mga lugar na kanyang nabisita at binigyan ng lingkod, ipinahayag ang mga naisulat niya, ipinakilala ang mga naging karelasyon niya, hanggang sa kung paano siya namatay. Sa madaling salita, para lamang akong nakapanood ng isang pelikula na hango mismo sa isang teksbuk noong hayskul pa lamang ako. Ang dokyumentaryong ito ay naglalaman ng mga mahahalagang impormasiyon tungkol sa ating yumaong pambansang bayani na si Dr. Jose Rizal. Sa kabuuan, naiparating sa akin ng pelikulang ito na tunay lang na dapat kilalanin natin si Rizal bilang ating pambansang bayani. O maaari rin namang isa itong pelikula na nagkukumbinsi sa ating mga manonood na nararapat lang na bigyan natin ng parangal si Rizal sa kanyang mga nagawa upang maging malaya ang ating bayan sa mga Espanyol. Ang pelikulang ito ni Abaya ay magandang instrumento para mapabilis ang maikli at mababaw na pagpapakilala kay Dr. Jose Rizal sa mga estudyante ngayon.

Ang pangalawang pelikula naman ay ang Rizal sa Dapitan ni Tikoy Aguiluz. Katulad ng nasabi sa unang pelikula, isa rin itong pelikula na tila’y hango sa isang teksbuk. Ang kinaganda naman ng pelikulang ito ay medyo mas malalim ang pagpapakilala nito kay Rizal bilang isang bayani. Mula mismo sa pamagat ng pelikula, binigyang diin dito kung anu ano ang mga ginawa ni Rizal sa Dapitan. Ipinakita naman dito ang libreng edukasyon na binigay  niya, ang relasyon niya sa kanyang pamilya, kay Josephine, at sa simbahang Katoliko. Sa kabuuan, ipinakita dito ang naging dinamiko ng buhay ni Rizal sa Dapitan. Yun nga lang ay ipinapakita rin sa pelikulang ito na si Rizal ay maaaring isang duwag na bayani. Ang pelikulang ito at ang pelikula ni Abaya ay hindi talaga ipinapaliwanag kung sino nga ba talaga si Rizal kundi ipinapakita lang nito sa atin kung sino para sa kanila si Rizal.

Ang pangatlong pelikula naman ay ang Bayaning Third World ni Mike De Leon. Ito ang pinakanaibigan kong pelikula sa tatlo dahil hindi nito basta basta ikinuwento ang buhay ni Rizal kundi nagsilbi itong palaisipan sa kanyang mga manonood kung dapat nga ba nating kilalanin na pambansang bayani si Dr. Jose Rizal. Kapansin-pansin din ang pagiging ‘monochrome’ ng pelikulang ito na maaaring nagpapahayag ng tunay na katayuan ng Pilipinas nuon at gayun na din ng katayuan ng pelikula habang ginagawa ito. Ang isa pang maganda sa pelikulang ito ay ang kanyang nais na pagtibayin ang pagiging kritikal ng kanyang manonood sa pagsuri ng mga bagay bagay. Itinuturo nito sa atin na hindi lang tayo dapat tanggap ng tanggap ng mga nababasa o napapanood natin kundi dapat nating siguraduhin na totoo ang mga sinasabi nito. Ang pelikulang ito ay taliwas sa ibang mga pelikulang ginawa tungkol kay Rizal dahil hindi mainstream ang pagkakagawa dito. Katulad ng nasabi sa huling linya sa pangalawang talata, ipinapakita lamang ng mga pelikulang ito kung sino sa tingin nila si Rizal base sa kanilang mga nalalaman tungkol sa kanya.

———————————————————————

SI RIZAL AT ANG RIZAL
ni Karen Daisy Mari R. Villa Agustin

Sino nga ba si Jose Rizal? O, ano nga ba si Jose Rizal? Ito ang tanong kung bakit dumarami ang mga pelikulang nagtatampok sa buhay at mga katha ni Jose Rizal.

Ang pelikulang Rizal: Buhay ng Isang Bayani ay nakatuon sa buhay ni Jose Rizal. Ipinakita rito ang mga mahahalagang kaganapan sa kanyang buhay mula pagkabata hanggang sa siya ay binaril sa Luneta. Ito ay talambuhay ni Jose Rizal sa uri ng isang pelikula. Ang pelikulang Rizal sa Dapitan ay pumapaksa naman sa isang partikular na pangyayari sa buhay ni Jose Rizal. Binigyang diin sa pelikulang ito ang mga kaganapan noong siya ay ipinatapon sa Dapitan at doon ay nanirahan ng apat na taon. Ang mga senaryo sa dalawang pelikulang ito ay ibinase sa mga akda at artikulong nauna nang nailimbag ng mga kritiko, historiador, at mananaliksik tungkol sa buhay ni Rizal.

Ang pelikulang Bayaning Third World ay iba kumpara sa naunang dalawang pelikula at sa iba pang pelikula tungkol kay Rizal. Sinalungat nito ang alam ng karamihan na ang mga pelikulang Rizal ay bahagi lamang ng kulturang popular. Ayon sa isang manuskrito ni Mary Jane Rodriguez-Tatel, inihain ang Bayaning Third World sa pamamaraang di-linyar na naratibo na kakikitaan ng dayalogo sa pagitan ng nakaraan at kasalukuyan.1 Ito ay paraan ng pagpapakitang ang pagbuo ng pelikulang ito ay ginamitan mismo ng mga pangunahing batis, na siyang dumagdag sa kredebilidad ng mga pahayag na laman ng pelikula. Dahil dito ay maaari pang gawing batis ang pelikulang ito ng mga pananaliksik tungkol sa pagkabayani ni Rizal.

Simula’t sapul, dumarami ang pelikulang Rizal sapagkt “si Rizal” ay nagiging teksto ng kulturang popular, na siyang tinatangkilik ng karaniwang tao.2 Si Rizal ay nagmimistulang isang teksto sapagkat napupunta sa mga mambabasa ang kapangyarihang lumikha ng kaisipan na nagiging lunsaran ng tunggalian, ibig sabihin, at ideolohiya.1 Ang iba naman ay ginagawang komersiyal na lamang ang paglathala ng buhay ni Rizal upang kumita sapagkat natatangay na ng agos ng umiiral na kaayusan, o ang tinatawag na pop culture, “ang Rizal”. Wika nga ng historyador na si Milagros Guerrero, “The ghost of Rizal is more real than Rizal himself”.1 Nabuo si Rizal dahil sa mga artikulasyon tungkol sa kanya. Patuloy siyang binubuhay ng mga taong patuloy na nagsusuri sa kanyang buhay.

Bakit nga ba naging pambansang bayani si Rizal? Kailangan ba talaga ng isang bansang tulad ng Pilipinas ang isang partikular na bayani? Hindi pa ba sapat ang mga Pilipinong lumaban at nagbuhos ng buhay para makamit ang kalayaan ng inang bayan? Naging tampok ang pagkamatay ni Rizal sapagkat hinirang siya bilang “kaluluwa ng himagsikan”, kahit siya mismo ay tutol dito. Pinaniniwalaan ng mga rebolusyonaryong Pilipino na mula sa mga akda ni Rizal ay nabuhay ang kanilang pagkanasyonalismo at paghahangad sa kalayaan ng inang bayan. Nagkaroon ng espekulasyon ng retraksyon ni Rizal na hanggang ngayon ay sentro pa rin ng tunggalin ukol sa pagkabayani ni Jose Rizal. Gayun pa man, sa huli, ano man ang paraan ng pagbasa at pagkilala kay Rizal ay mananatili pa rin siya bilang tinagurian pambansang bayani ng Pilipinas.

———————————————————————

BAYANI SA PINILAKANG-TABING
ni Virjinia Alexis V. Villafuerte

Tatlong pelikula. Isang bayani. “Kanya-kanyang Rizal” (De Leon, 1999).

Tama nga ang sinabi ng karakter ni Ricky Davao sa obra ni Mike De Leon na Bayaning Third World, ang buhay ng pambansang bayani na si Jose Rizal ay nabigyan na ng kanya-kanyang interpretasyon sa iba’t ibang pelikula, mula pa lang sa obra ni Albert Yeasley noong 1912 hanggang pelikula ni Marilou Diaz-Abaya noong 1998. (Rodriguez-Tatel, 2008) Ngunit ang pagbasang ito sa sesentro sa tatlong pelikula: ang dokumentaryong Jose Rizal: Buhay ng Isang Bayani, ang Rizal sa Dapitan ni Tikoy Aguiluz at ang obra ni Mike De Leon na Bayaning Third World. Bukod pa dito, ang pangunahing aspetong titignan ng kritikang ito ay ang “demystification” ng kabayanihan ni Jose Rizal base kung papaano sya isinalarawan sa mga nabanggit na pelikula.

Kung titignan ang dokyumentaryo, ang presentasyon kay Rizal ay walang pinagkaiba sa kung paano sya nakilala noong una syang pinag-aralan sa mga paaralan. Ipinakita si Jose Rizal bilang isang taong may dakilang adhikain para sa bayan, at sa kabila ng paghihirap na dinanas nya at ng kanyang pamilya ay ipinagpatuloy pa rin nya ang laban nya para sa repormang nais nya. At sa dulo, handa rin syang isakripisyo ang sarili para sa Pilipinas. “Textbook-based,” ika nga sa manuskrito ni Mary Jane Rodriguez-Tatel, nakakulong sa sa isang “kumbensyunal, esteryotipikal, de-kahon at… napakalimitadong pagbasa kay Rizal.”

Unti-unting binasag ng Rizal sa Dapitan ang presentasyong ibinigay ng dokyumentaryo. Nakasentro sa naging buhay ni Rizal noong sya ay ipinatapon sa Dapitan, iprinisenta ni Tikoy Aguiluz ang isang mas radikal at subersibong Jose Rizal. Binigyang-diin ng pelikulang ito ang galit ni Rizal sa simbahang pinapatakbo ng mga prayle at umabot sa puntong humihingi na sya ng kalayaan. Ngunit hindi ganap na kalayaan sa pamamagitan ng isang rebolusyon ang nais ni Rizal, ayon sa pelikulang ito. “Kalayaan sa relihiyon at kalayaan sa peryodismo… at representasyon sa Kongreso sa Espanya,” ito ang mga itinutulak na reporma ni Rizal. Bukod pa dito, iniangat din sa pelikulang ito ang isyu nang retraktasyon, ngunit naging matibay ang pelikula sa pagpapakita na pinangatawanan ni Jose Rizal ang kanyang mga ginawang pagbatikos sa simbahan. Sa kabila ng pagpapakita ng mas subersibong anggulo ng pambansang bayani, nakaangkla pa rin ang presentasyon ng pelikula ni Tikoy Aguiluz sa esteryotipikal na Jose Rizal – isang bayaning may dakilang hangarin para sa bansa at syang handang isakripisyo ang sarili para sa kanyang ipinaglalaban.

Sa obra ni Mike De Leon na Bayaning Third World, tuluyan nang binasag ang kumbensyunal na pagkakakilala kay Jose Rizal. Sa mahusay na pagtalakay ng mga pinakakontrobersyal na isyu na nakakabit sa pambansang bayani tulad ng retraktasyon at ang pagapapkasal nya kay Josephine Bracken, hinimay-himay ng pelikula ang mga kumbensyon na naglalarawan sa pambansang bayani. Tulad nga ng sabi sa manuskrito ni Rodriguez-Tatel, ibinaba mula sa pedestal si Jose Rizal at inilarawan bilang isang “bayaning marupok, mahina, substandard at kaduda-duda,” ayon sa isang linya ng mga karakter sa pelikula. Ipinapakita lamang ng pelikula ni de Leon na si Rizal, sa likod ng mga monumentong itinayo para sa kanya, mga paaralan at bayang ipinangalan sa kanya at sa titulong “pambansang bayani”, ay isang taong kumikilos base sa kanyang sariling paniniwala na kung ano ang makakabuti.

Ang buong pagbasang ito ay nagpaigting lamang nito ang sinabi ng mga karakter ni Ricky Davao at Cris Villanueva sa Bayaning Third World – na hindi pampelikula ang buhay ni Rizal – dahil ang bawat tao ay may iba’t ibang pagbasa sa kanyang buhay at naging kontribusyon sa Pilipinas.

———————————————————————

SANGGUNIAN NG LAHAT NG MGA ARTIKULO:

  • Abaya, M. Jose Rizal: Ang Buhay ng Isang Bayani. 1998.
  • Aguiluz, T. Rizal sa Dapitan. 1997.
  • De Leon, M. (Director). (1999). Bayaning Third World [Motion Picture].
  • Rodriguez-Tatel, M. J. (2008). “Kanya-Kanyang Rizal”: Diskurso ng Pagbaklas sa Kabayanihan ni Rizal (Sipat, Suri at Siyasat sa Pelikulang “Bayaning Third World”.
  • Rolando B. Tolentino, Sa Loob at Labas ng Mall Kong Sawi Kaliluha’y Siyang Nangyayaring Hari : Ang Pagkatuto at Pagtatanghal ng Kulturang Popular, Quezon City: University of the Philippines Press, 2001.