“Kanya-Kanyang Rizal”

Ang mga artikulo sa seksyon na ito naman ay tumatalakay sa sariling opinyon ng bawat miyembro ng grupo sa kung paano nila tinitignan ang Pambansang Bayani.

———————————————————————

KANYA-KANYANG RIZAL
ni Elaine G. Jularbal

Sino nga ba si Rizal para sa akin? Noon, si Rizal ang simpleng pambansang bayani na itinuro sa akin ng aking guro noong elementraya pa lamang ako. Siya ang taong nakaguhit sa piso. Siya ang nagsulat ng Noli Me Tangere at El Filibusterismo na binasa namin noong hayskul. Pero ngayon na mas malalim at mas maraming artikulo na ang nabasa ko tungkol sa kanya, sino nga ba si Dr. Jose Rizal?

Maraming mga libro at mga pelikula ang nagsasabing si Rizal ay tunay nga na bayani ng Pilipinas ngunit ayon kay Renato Constantino, si Rizal ay isang American-sponsored hero. Sinasabi dito na ang pagiging pambansang bayani ni Rizal ay dahil sa mga Amerikano. Siya ang napili dahil hindi niya isinusulong ang pagkakaroon ng kalayaan kundi ang pagkakaroon ng pagkakapantay ng Pilipino at Espanyol. Nabanggit din ni Constantino na hindi sangayon si Rizal sa pagaalsa ng rebolusyon nila Bonifacio. Ang gusto raw ni Rizal ay ang maging probinsya ng Espanya ang Pilipinas (Constantino, 1970: 4-9).

Sa mga naunang nabanggit, ano na nga ba ang dapat na tingin ko kay Rizal? Dapat pa bang ituring natin siyang pambansang bayani o isang taksil sa sariling bayan? Para sa akin, si Rizal ay isa ng institusyon sa ating bansa. Malaki ang naging impluwensya ni Rizal sa ating mga Pilipino magmula sa kanyang mga nobela, nasulat na mga tula, mga kasabihan, mga pangaral, at iba pa. Hindi na ganun na importante kung si Rizal ay tunay na bayani o taksil, ang importante may nagawa siya para mabago ang bulok na sistema na umiiral sa bansa. Marami sa ating mga Pilipino ang pwedeng maging “Rizal” sa sarili nating paraan. Si Rizal ay hindi na lamang basta isang bayani, siya na ngayon ay isang inspirasyon ng mga Pilipino para umaksyon. Si Rizal ay hindi isang peperktong halimbawa para sa lahat pero ginawa niya ang makakaya niya bilang isang tao para matulungan ang kanyang bayan na guminhawa.

———————————————————————

KANYA-KANYANG RIZAL
ni Shanelle N. Lopez

Dr. Jose Rizal: manlalakbay, duktor, guro, manunulat, makata, repormista, bayani. Sa kabuuan ng kanyang buhay, marami nang ginampanang papel ang ating pambansang bayani.

Ngunit sa paglipas ng ilang taon ng ating pagdakila sa kanya, tila nalimutan na natin na tao lamang si Rizal. Marahil sa paggawa ng bayan ng mga mahihiwagang kwento tungkol sa kanya, at sa impluwensya na rin ng mga mananakop na Amerikano na nilayong gamitin ang pagmamahal sa kanya ng bayan para sa kanilang okupasyon, pinalago ang alamat ni Rizal. Nhunit, hindi kailanman dineklara ni Rizal na siya ay perpekto, walang bahid ng dungis o pagkakamali. Mali na atin siyang tingalain dahil sa pag-aakalang siya ay isang “demi-god” o “superhero” na dapat sambahin. Alalahanin natin na si Rizal ay isang tao lamang tulad nating lahat: natatakot, nadarapa at nagkakamali.

Ngunit sa kabila ng lahat ng mga kontrobersya at isyung bumabalot sa kanyang buhay at mismong pagkabayani, bakit nga ba maituturing na bayani hanggang ngayon si Rizal? Hindi lamang nasusukat sa dami ng buhay na kanyang kinitil o sa dami ng dugong dumanak sa kanyang kamay ang kagitingan ng isang bayani. Bagkus, kagaya ni Rizal, ito ay mabibilang sa dami ng taong kanyang natulungang magbago at nabigyang inspirasyon, pati na sa laki ng kanyang nagawang impact sa lipunang kanyang ginagalawan. Si Rizal, sa harap ng tiyak na panganib sa kanyang buhay at pamilya, at walang takot na binangga ang mga pwersa ng dominanteng mananakop upang ipaglaban ang sa tingin niya ay tama. Hanggang ngayon, buhay pa rin ang esensya ng pagkabayani ni Rizal dahil sa kanyang patuloy na kakayahang maging inspirasyon sa mga tao upang magpursigeng ipabuit ang kanilang kalagayan at higitan ang kanilang mga sarili.

Hindi “diyos” si Rizal. Kaya naman, hindi na kinakailanagan pang ungkatin ang bawat detalye ngbuhay ni Rizal o ang bawat sambit ng kanyang bibig para lamang makahanap ng kamalian, dumi o mantsa sa kanyang iniwan na reputasyon o pangalan. Hindi na importanteng himayin natin ang kanyang naging bawat kilos o galaw para patunayan ang kanyang kadakilaan bilang isang Pilipino. Dahil kahit siya man ay nagkaroon ng pagkukulang, walang pagkakamali ang kayang burahin ang naging kontribusyon at sakripisyo para sa bayan.

———————————————————————

KANYA-KANYANG RIZAL: SI RIZAL SA MATA NG ISANG PAG-ASA NG BAYAN
ni Virjinia Alexis V. Villafuerte

Tulad nga ng sinabi ng mga karakter sa pelikulang Bayaning Third World, “Kung kasalanang pagdudahan ang kabayanihan ni Rizal, mukhang magkakasala na kami sa pelikulang ito.”

Kung totoo nga ang sinabi nila, pati yata ako magkakasala rin.

Marami na ang naging bansag kay Dr. Jose Rizal. Nandyang tawagin siyang The Great Malay, The First Filipino, Natatanging Indio Bravo at marami pang iba. Ngunit sa lahat ng bansag sa dinadakilang Pilipino, ang bansag na Pambansang Bayani, ang, sa aking opinyon, ay hindi nararapat.

Ayon kay Renato Constantino sa kanyang artikulong Veneration Without Understanding, “In the histories of many nations… the national revolution is invariably the one period in a nation’s history when the people were most united, most involved and most decisively active in the fight for freedom. It is not to be wondered at, therefore, that almost always the leader of that revolution becomes the principal hero of his people.” Ngunit hindi ganito ang lagay sa Pilipinas. Ang ating pambansang bayani ay hindi ang pinuno ng himagsikan, kundi ang nangunguna pa sa pagtutol at pagpigil sa rebolusyon.

Maraming beses iwinika ni Rizal ang kanyang pagkontra sa rebolusyon sa kanyang mga sulatin. Ayon kay Constantino, nakakagulat ang naging reaksyon ni Rizal patungkol sa rebolusyon dahil ang pagtutol niya dito ay pagsalungat niya sa kanyang mga sariling gawa. Sa kabila nito, nananatili ang paniniwala ni Rizal na kalayaan ay hindi nangangahulugang pagtiwalag mula sa pamumuno ng Espanya, kundi pagkakaroon ng pantay na karapatan katulad ng tinatamasa ng mga mananakop. Ang pinakamithiin ni Rizal ay gawing karapat-dapat ang mga indio na tawaging Filipino.

Kung babalikan, ang katawagang Filipino, ayon kay Constantino, ay tumutukoy sa mga Espanyol na ipinanganak sa Pilipinas. Kalaunan, pati mga Spanish mestizo at Chinese mestizo ay tinatawag na ang mga sarili na Filipino dahil nakakahanay na sila sa mga Espanyol sa katayuan sa lipunan, edukasyon at kayamanan. Pati ang mga ilustrado, kasama si Rizal, na noon ay nasa Europa ay ginamit na rin ang katawagang Filipino.

Ang pagtukoy sa mga ilustrado bilang mga Filipino ay naglikha ng dikotomiya sa pagitan ng mga Pilipinong elit at ng mga Pilipinong masa. Ngunit ayon kay Constantino, ang isang pambansang bayani ay dapat kaisa ng nakakarami, hindi nasa itaas ng mga ito.

Hindi maipapagkakaila ang naging kontribusyon ni Rizal sa pagmulat ng kamalayang nasyonalismo ng mga Pilipino noon, ngunit si Andres Bonifacio, at hindi si Rizal ang namuno sa mga tao para mag-aklas para sa ganap na kalayaan. Kung susundin ang pakahulugan ni Constantino na kung sino ang dapat na pambansang bayani, si Bonifacio dapat, at hindi si Rizal ang pambansang bayani ng Pilipinas.

Ang pagiging American-sponsored national hero ni Rizal ay nagpapatibay lamang kung bakit hindi siya nararapat na maging pambansang bayani ng Pilipinas. Nang piliin ni Governor Howard Taft si Rizal noong 1901 para maging pambansang bayani, ito ay dahil kumakatawan si Rizal sa kagustuhan ng mga Amerikano na panatilihin ang hati sa pagitan ng mga elit at masang Pilipino at para hindi sila mahikayat na maghimagsik laban sa mga Amerikano, ayon kay Constantino.

Hindi maitatanggi ang kadakilaan at kabayanihan ni Rizal, ngunit katulad nga ng sabi ni Constantino sa Veneration Without Understanding, dapat maintindihan ng mga Pilipino nang kasalukuyan na “…[Rizal] has no monopoly of patriotism he is not the zenith of our greatness; neither are all of his teachings of universal and contemporary relevance and application.”

Kung kasalanan nga na pagdudahan ang kabayanihan ni Rizal, katulad ng mga karakter sa Bayaning Third World, nagkasala na rin ako.

———————————————————————

MGA SANGGUNIAN NG LAHAT NG MGA ARTIKULO:

  • Constantino, R. (1970). Veneration Without Understanding. Dissent and Counter Consciousness .
  • De Leon, M. (Director). (1999). Bayaning Third World [Motion Picture].